Mga Pahina

Martes, Agosto 13, 2013

SIDE INSIGHT

Ang Magkampanya nang dahil sa'yo...

Kwento ng kampanyang laban sa pag-ulyanin sa kasaysayan


Ni Edgardo Cabalitan, Jr.


Saan mo hinuhugot ang ‘drive’?” Hindi man eksakto, pero ganito ko naaalala kung paanong sa gitna ng aming paghuhuntuhan ay walang kaabog-abog na naitanong ng kausap ko kung bakit ako interesado sa pangangampanya.  Magkasama kami sa isang ‘campaign coordinating committee’ na binuo sa inisyatiba ng TFDP at PAHRA upang mag-paalala sa publiko ng mala-teleseryeng kwento ng ‘Martial Law’ na naitago na ata sa baul ng pagkaulyanin ng marami kaya’t winawalang kwenta ng henerasyon ngayon. Pero kung naging teleserye nga siguro ay baka pumatok pa ngayon.  

Apatnapung taon na mula nang ideklara ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos ang batas militar sa bansa.  Kaya naman nagsama-sama ang mga grupong pang-karapatang pantao upang ituro sa bagong henerasyon ang kwento ng lagim na maging sa akin ay naikuwento din lang naman at nakasalubong sa mga babasahin.  Wala pa akong muwang nang panahong iyon kaya nga ang aking naaalala lamang ay ang pagbabawal sa king manuod ng “Voltez V at Mazinger Z” dahil mataas ang “bill” namin sa kuryente at ang pampaantok na “Gabi ng Lagim at Simatar” pagkatapos maghapunan.

Hindi nga naman katulad niya na inabot ang madilim na bahaging iyon ng ating kasaysayan, bukod pa sa nabiktima ang halos buong pamilya ng karahasan noong dekadang iyon,  samantalang ako ay hindi pa naman ipinapanganak nang magmala-eksena sa “The Ring” at “Saw” ang mga telebisyon.  Na nang matapos mag-estatik ay lalabas ang isang mukha ng tinagurian ng mga islogan na puppet ng kano. Ika nga sa mga video ay isinasailalim niya ang buong bansa sa batas militar dahil sa banta at panggugulo ng mga komunista. 
Habang karamihan ng kasama namin sa komite ay mga biktima ni Makoy, ako ni hindi pa nabubuo sa isip ng mga magulang kong ni hindi pa magkakilala noong 1972. Sa hinuha ko nga, ako ay nabuo dahil sa ipinataw na “Curfew” noon.  Kaya matapos gabihin sa panunuod ng sine ng aking mga magulang ay napilitan silang magtanan, presto ako ang resulta.

Naisip ko tuloy na ako ay nasa gitna ng henerasyong dumanas ng batas militar at ng henerasyong ‘target’ ng kampanya namin ngayon, ang henerasyong nabuhay matapos ang Edsa people Power ng 1986.
Kaya nga siguro, napaisip siya nang makita niyang ganoon na lang ang pagpupursige ko sa pangangampanya.  Medyo nakonsyus pa nga ako nang itanong niya sa ‘kin ito.  Binabasa pala niya ang aking mga sinasabi lagpas sa mga lumalabas sa aking bibig. 

Hindi naman sa hindi siya naniniwala, ngunit nagtatanong siya siguro upang magbaka-sakaling masagot ko ang pinuproblema ng ‘komite’ at ng karamihan sa amin.  Kung paano nga kaya makukuha ang pansin ng mga bata ng henerasyon ngayon at makumbinsi silang pahalagahan ang pangyayaring nagluwal ng kalagayang tinatamasa nila ngayon.

Nais nating kantiin ang interes nila  sa tinimplang makabagong teknolohiya at pamamaraan na may  kakumbinasyong tradisyunal na pagkilos.

Ang hamon ay pasikatin ang kwento ng mga karanasan ng panahon ng Martial Law sa panahon ngayon.
Isang kampanyang ididesenyong nakalengwahe sa panahon ng cyber-cyber at social-social, mga K-Pop-K-Pop at Gangnam-gangnam.  Ngunit nagkukwento ng mga isyung niluma man ng panahon ay nandiyan pa din na parang kulangot na hindi maalis-alis sa ulo ni Juan Dela Cruz.

Para sa mga nais guluhin ang kasaysayan, tatangkain ng kampanyang simulang igiit ang katotohanan sa mga kabataan upang salagin ang pagmamaliit sa mga paglabag sa karapatang pantao ng Marcoses.  Ang kampanyang “#rememberML@40 Never Again to Martial Law” ay kumbinasyon ng online at offline campaign.   

Na higit sa pagpapaalala at pagpupugay sa mga bayani ng pakikibaka at pagtatanggol para sa karapatan ng panahong iyon, ay panawagan din nating isabatas ang “Compensation Act for ML Victims.” Na higit pa sa danyos ay ang pagkilala ng pamahalaan sa mga biktima at pag-amin sa paglabag sa karapatang pantao.

Ang bentahe ng kampanya ay ang espontanyong pagsasama-sama ng iba’t-ibang NGOs upang magkaron ng iisang kumpas sa kampanya. Sa kabila ng may kanya-kanyang diskarte ang bawat kalahok na grupo ay nagsasalubungan ang mga ito sa “online o facebook page ng kampanya” at sa “every 21st of the month symbolic mass actions” sa iba’t-ibang “landmarks” na naging bahagi ng mga kwento ng batas militar.

Nandiyang tumakbo ang mga aktibista mula Mendiola sa Maynila papuntang CHR compound sa Q.C.  Nasubukan ding mag-family day ng mga advocates at biktima sa Unibersidad ng Pilipinas bilang pagpupugay sa Diliman Commune ng mga Lider Kabataan.  Nagpalipad ng saranggola at siyempre magpiket at programa sa mga kampong kilalang pinagkukulungan ng mga aktibista nang panahong iyon… ang Camp Crame at Aguinaldo sa Edsa.

Lumahok din ang ilang mga sektor at “peoples’ organizations” sa mga pangangampanya sa kani-kanilang kasapian.  Ang gimik na “pinky pledge” o pangungulekta ng mga pictures ng bawat grupo at indibidwal na “pledges to inform and inspire others about the truth” ay kusa nilang tinugunan na parang normal lamang na pagpupost ng mga pictures ng pakikiisa sa FB.

Naging mainam nga, simple at ika nga ay pakyut ang pangungulekta ng “Pinky pledge” sa hanay ng kabataan. Nagsipagsalihan ang mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang kolehiyo at pamantasan sa iba’t-ibang panig ng bansa.  May partisipasyon ang mga kabataan mula sa mga iskwelahan at komunidad sa Metro Manila, Central Luzon, Visayas at Mindanao.

Naglunsad ng serye ng mga forum at talakayan ang mga grupong kasama ng #rememberML@40 Campaigns.  May mga nag-photo exhibit, film showing, candle lighting, torch parade at isang kunsiyerto na naging daan upang magtagpo ang bagong henerasyon at ang mga matatandang naging biktima at saksi ng kabagsikan ng Batas Militar.    

Setyembre 21, 2012. Habang umaalingaw-ngaw ang mga makabayang awiting pinasikat ng mga tibak nuon, ay napaisip akong bigla… Ano nga kaya ang resulta ng ating pagsisikap?
Naramdaman kaya ng mga dinala naming kabataan na galing sa iba’t-ibang iskwelahan at komunidad ang mga tono ng mga awiting pinanday at humubog ng opinyon, ng mga protesta, ng mga karanasan sa ilalim ng Diktadurya.  Ang mga mensahe ng Pinoy Rock, ng mga Reb Songs, ng mga Tula, ng mga Kwento ay “appreciated” kaya nila?   

Pebrero 25, 2013, Edsa People Power Anniversary.  Katulad ng Martial Law ay hindi na rin alam ng makabagong henerasyon ang mga kuwentong nagbigay buhay at tumulak sa pagkilos ng mamamayan sa EDSA na nagpabagsak kay Marcos.  Kung paanong nag-isang tono ang milyong-milyong mamayan sa awiting “Magkaisa” na nagpasikat sa isang mang-aawit na si Virna Liza.     

Nakakatuwang isipin, na ang pagsisikap ng naging kampanya ay masasabi ngang nagbunga na kahit papaano.  Pinirmahan ni Pangulong Aquino ang “Compensation Act for ML Victims.”  Bagamat ito ay resulta ng dekadang pakikibaka ng mga biktima gamit ang iba’t-ibang porma ng kampanyang akma sa iba’t-ibang panahon ang kampanyang #rememberML@40 Never Again to Martial Law ay isang bahagi ng mala teleseryeng nagdalaga’t nakapangasawa na ang mga batang bida bago natapos ang kwento.
Ngunit katulad ng block-buster na pelikula… ang kampanya para sa hustisya, ang pagmumulat para sa karapatang pantao, ang pagtatanggol sa kasaysayan ng pakikibaka ng maraming biktima, sa kabila ng ending ay siguradong may “sequel” pa, siguradong may part 2 na maaring magtuloy-tuloy at kelangan lang umakma sa panahon upang maging block-buster sa takilya.

Saan ko nga ba hinuhugot ang drive? Nagsilbi itong hamon sa mga nangangampanyang tulad ko sa panahon ngayon.  Ang drive ko marahil na bukod pa sa medyo kornik na sagot na ito ay bahagi ng aking paniniwala, o ‘di kaya naman ay ito ay dahil sa paniniwalang dapat mapakilos ang mamamayan para sa pagtatagumpay ng hangarin, ito ay isang buhay na katotohanan na namnam ko ang pangangailangang ipaintindi lalo na sa kabataan na katulad ko ay nakikinabang sa pinaglaban ng nagdaang panahon.
Bakit ako ganito mag-isip? Dahil may mga nagtiyagang magpaintindi sa aming herasyon at marahil ay akma ang kanilang ginamit na porma.  Sa panahon ngayon, magtitiyaga ba tayo sa pag-papaintindi sa mga kabataan?

Edgardo Cabalitan, Jr. is the campaign and advocacy staff of Task Force Detainees of the Philippines

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento