(Talumpati
ni Sr. Crescencia Lucero, SFIC, Task Force Detainees of the Philippines (TFDP)
Co-Chairperson
sa misang pasasalamat para sa ika-40 anibersaryo ng TFDP)
Sr. Crescencia Lucero, SFIC, Co-Chairperson of TFDP delivering the homily for the 40th Anniversary Thanksgiving Mass |
Apatnapu. Apatnapung
taon. Parang kailan lang nang itatag ang Task Force Detainees of the
Philippines ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP)
bilang tugon sa “signs of the times”. Enero ng taong 1974 noong pagkaisahan ng
AMRSP na magtayo ng dalawang Task Forces – TFDP at Task Force Data Gathering.
Isinilang
ang TFDP sa gitna ng malawakang paglabag sa karapatang pantao.
Nagsimula bilang isang inisyatiba ng mga relihiyoso at relihiyosa na naging
bukas sa pagsama at pakikilahok ng iba pang denominasyon tulad ng UCCP, IFI,
UMC, at ng kinalaunan ay naging “interfaith” na rin.
Dugo
at pawis ang naging puhunan para itatag sa buong kapuluan ang TFDP at kumilos
para ipagtanggol ang karapatan ng sambayanan. Ilang
manggagawa ng TFDP ang kinulong, hinarass, at pinaslang dahil sa pagtataguyod
ng karapatan at kalayaan ng taumbayan.
Kailanman ang
sakripisyo ng mga kasama ay hindi malilimutan. Apatnapung taon na ang lumipas.
Apatnapung taon na din nakaukit sa aming alaala ang lahat ng naging biktima ng
marahas at madilim na panahon ng diktadura, ng total war, ng mapanlinlang na
Philippines 2000, ng Erap para sa Mahirap, ng Strong Republic ni GMA at ng
kasalukuyang matuwid na daan.
Apatnapu. Anim na
pangulo.
Labing apat na taon ng
pasistang diktadura. Limang libo limang daan tatlumpu’t isa ang tinortyur.
Dalawang libo limang daan tatlumpu’t pito ang pinaslang. Pitong daan walumpu’t
tatlo ang winala. Dalawang daan tatlumpu’t walo ang mga insidente ng masaker.
Siyamnapu’t dalawang libo, anim na raan at pito ang naging biktima ng
pag-aresto.
Mendiola Massacre, 1987. File photo from Museum of Courage and Resistance |
Anim na taon ng total
war ni Corazon Aquino. Limang daan pitumpu’t walo ang tinortyur. Labinlimang
libo walong daan at pitumpu ang inaresto. Tatlong daan walumpu’t walo ang
winala. Pitong daan at lima ang pinaslang. Dalawang daan labimpito ang
insidente ng masaker.
Anim na taon ng
MTPDP/Philippines 2000 ni Fidel Valdez Ramos. Apat na libo at tatlumpu ang
naging biktima ng pag-aresto. Animnapu’t isa ang winala. Dalawang daan
dalawampu’t tatlo ang salvaged. Siyamnapu’t isa ang mga insidente ng masaker.
Tatlong taon ni Erap.
Isang libo dalawang daan at tatlumpu ang inaresto. Dalawampu’t lima ang winala.
Apatnapu’t lima ang pinaslang. Tatlumpu’t lima ang mga insidente ng masaker.
Tatlong daan ang tinortyur.
Siyam na taon ni GMA.
Tatlong libo, dalawang daan walongpu’t anim ang inaresto. Isang daan tatlumpu’t
apat ang winala. Dalawang daan dalawampu’t siyam ang pinaslang. Limang daan at
labing siyam ang tinortyur. Limampu’t siyam ang insidente ng masaker.
Tatlong taon ni PNoy.
Tatlong daan walumpu’t walo ang inaresto. Isang daan dalawampu’t walo ang
tinortyur. Labing apat ang biktima ng sapilitang pagkawala. Tatlong insidente
ng masaker. Dalawampu’t lima ang pinaslang.
Sa
likod ng mga numero at istatikstikang ito ay mga pangalan at nilalang. Mga
pangalan at nilalang na ipinaglaban ang karapatan. Inialay ang buhay para sa
kalayaan, demokrasya, katarungan at kapayapaan. Mga mandirigma na lumaban para
ibagsak ang bulok na sistema. Mga manggagawa,
magsasaka, negosyante, propesyonal, kababaihan, katutubo, Moro, maralitang taga-lungsod,
kabataan, LGBTs, at marami pang iba.
Political Detainees, Ipil Rehabilitation Center, File photo from Museum of Courage and Resistance |
Mga bilanggong
pulitikal tulad nina Jose Diokno, Lorenzo TaƱada, Teofisto Guingona, Ed dela
Torre, Rudy Abao, Satur Ocampo, Noel Etabag, Ted Lopez, Zacarias Agatep, Jose
Nacu, Benjamin Cunanan, Brian Gore, Julio X. Labayen, Rebecca Mayola, Mariani
Dimaranan at marami pang iba.
Mga tinortyur tulad
nina Adora Faye de Vera, Ruben Alegre, Romy Castillo, Bernardo Itucal, Oscar
Armea, at marami pang iba.
Mga winala tulad nina
Carlos Tayag, Hermon Lagman, Raymundo Abadacio, Rudy Romano, Jessica Sales, at
marami pang iba.
Escalante Massacre, 1985, file photo from Museum of Courage and Resistance |
Mga pinaslang tulad
nina Juan Escandor, Remberto dela Paz, Alredo Limboy, Santiago Arce, Emiliano
Ortizo, Alex Orcullo, Lean Alejandro, Rolando Olalia, at marami pang iba.
Mga minasaker sa Escalante,
Lupao, Mendiola, Jabidah, Digos, Ozamis, Kabankalan, Butuan, Sipalay, at marami
pang iba.
Nais din naming
kilalanin ang mga naging biktima ng kilusang mapagpalaya tulad nina Tigre,
Banong, Kristo, Benny, Bobby, Carlo, Lito, at marami pang iba.
Apatnapu. Patuloy ang hamon ng panahon na isulong ang
karapatan at kagalingan ng sambayanan. Hindi pa tapos ang pagsusumikap na
itatag ang malaya at mapagpalayang lipunan. Ito ang patuloy na hamon sa
ating lahat.
Kaya’t hanggang may
paglabag sa karapatang pantao, hanggat may api at dukha, hanggat may
diskriminasyon, hanggat may panunupil, patuloy ang ating pagtatalaga ng sarili
para sa kapwa at sa bayan. Patuloy ang
paglilingkod para sumibol ang lipunang siksik, liglig at nag-uumapaw sa
kalayaan, pagkapantay-pantay, demokrasya, kasarinlan at kapayapaan.
Patuloy ang pagmamahal
– sa kapwa, sa bayan, sa kapaligiran at sa buong sangkatauhan.
Sa gabing ito, yan ang
aking pangako sa edad na pitumpu’t dalawa. Yan ang ating pangako para sa kapwa
at sa sambayanan sa harap ng Diyos ng kasaysayan. Magtalaga ng sarili,
maglingkod. Patuloy na magmahal!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento